REFLEKSYON
(ARLENE P. QUIRANTE)
Sa mahigit dalawang buwang iginugol namin sa paaralang naglantad sa amin sa tunay na mundo ng pagtuturo,maraming bagay ang aming natamo gayundin ang mga bagay na aming naibahagi. Ang pagtahak namin sa pagsasanay sa pagtuturo ang naging daan sa lalong ikatatagumpay ng aming napiling propesyon. Ito rin ang nagpaunawa sa amin kung paano maging matatag sa hamon ng pagsasanay sa pagtuturo, sinubok hindi lang ang aming kaalaman sa asignaturang aming pinagkakadalubhasaan maging ang kakayahang humarap at makisalamuha sa mga guro at mga mag-aaral ng aming kasangguning paaralan. Hindi naging madali para sa akin gayundin sa aking mga kasamahan ang isinagawang pagsasanay, lalo na ang pagtuklas sa iba’t ibang ugali mayroon ang aming mga mag-aaral, pero dahil dito natuto kami kung paano habaan ang aming mga pasensiya,kung paano maging maunawain sa lahat ng oras at makibagay sa loob at labas ng paaralan. May mga bagay na akala ko noong una ay mahirap subalit sa araw araw na pagsasanay ay unti-unti kong napagtanto na mahirap lamang ang isang bagay kapag di mo pa nasusubukan,pero kapag nagawa mo na, masasabi mo na lamang ang mga katagang “ay madali lang pala,kayang-kaya ko pala!”
Hindi lang ang kasanayan sa pagtuturo ang nalinang sa akin sa loob ng tatlong buwan, maging ang buo kong pagkatao..na animo’y isang banga na unti-unting napunan ng tubig galing sa ambon ng pagtitiyaga. Maraming bagay ang nahinuha ko sa araw-araw na pakikibaka ko sa mundo ng pagsasanay, ang makitang natututo at masaya ang mga mag-aaral ko sa pagsisimula hanggang sa matapos ang talakayan ay sapat na upang mapatunayang hindi ako nagkamali sa landas na aking tinahak. Masayang magturo sa piling ng mga mag-aaral na kahit alam nilang hindi pa ako ganap na isang guro ay labis ang kanilang ipinakitang pagmamahal sa akin, kahit magkaminsan sila ay mga pasaway subalit natatapos pa rin ang araw na may ngiti sa aking mga labi gayundin sa kanila. Nakakataba ng puso ang mga mensahe na madalas kong naririnig sa kanila, ang mga suporta at hiling na sana raw ay manatili pa kami ng matagal sa kanilang paaralan. Maituturing kong isang maganda at masayang paglalakbay ang karanasan na ito na babaunin ko sa pagtahak sa tunay na mundo ng pagiging isang guro.
Sa lahat ng ito, ang bawat oras at araw na aming iginugol sa paaralan na naging kasangguni namin sa aming pagsasanay ay sadyang kapakipakinabang. Ang tiyaga na nagsilbi naming sandata upang malampasan at matapos ang pagsasanay na ito, ang mga gawaing sumubok sa aming kakayahang upang pangatawanan ang gawaing iniaatang sa amin. Ang pagsasanay na aming isinagawa sa loob ng tatlong buwan ang nagbukas sa pintuan ng aming piniling propesyon at maghahatid sa lagusan ng aming mga mithiin sa buhay…